Bong Eliab Console

 

TELOS
Hango sa Mga Nota ni P. Roque J. Ferriols, S.J.
Pamantasan ng Ateneo de Manila

Ang bawat umiiral ay may panloob na istruktura ng paghahantong. Ang maliit na tanim nang magpaka-punong-kahoy, ang tuta nang magpaka-aso, ang mga atomo nang mag-tumba-tumba at, ayon sa kurba ng probabilidad, magpaka-molekula. Ang pagtungo sa telos ay mapagmamasdan, hindi lamang bilang isang basta't galaw ng meron, kundi bilang nasa mismong panloob na istruktura ng mismong meron, bilang isang panloob na pag-udyok ng kalikasan. Bahagi ng "utos" ng kalikasan sa bawat meron: "Magpakameron ka."

At hindi mahirap na mapagmasdan na ang udyok patungo sa telos ng tao ay limulitaw at umiiral sa kanyang pagmamalay bilang isang palaging nandodoon at palaging tumutulak sa kanya na pagnanais lumigaya. Sapagkat kilalang kilala ito, kung minsan ay hilig nating huwag pag-isipan, paalisin na lamang sa isang, "Ayan na naman."

Ngunit, kung maaring paalisin ang tahasang pag-iisip ukol sa kaligayahan, hindi mapapaalis ang lihim at walang pahingang kilus ng kalooban na naghahanap. Sa lahat ng pagpili at pagpasiya, sa lahat ng pag-ayaw pumili at pumasya, nandodoon, kahit na papaano, ang pagtungo sa inaakala nating kaligayahan. Maaring ayaw natin ang katagang "kaligayahan". Baka sabihin natin na ang hinahanap natin ay "pananahimik ng loob na hindi mapalagay", "pag-hantong sa wakas sa matagal nang inaasahan", "paglimot sa sarili at pagbuhos ng loob sa kapuwa", "walang hintong pagsikap sa pagpapalaya sa lipunan", o ano pa. Ngunit, (kahit na ang mga alagad ng huling dalawang halimbawa ay madalas mag-islogan ng "Wala kaming pakialam sa ligaya,") kaligayahan pa rin ang hinahanap. Kaya't masasabi natin na sa pagmamalay ng tao, sa iba't ibang paraan na nagkakasalungatan pa sa isa't isa, tinetelos niya ang kaligayahan.

 

Aliw ng laman.  Sabi nga ni Aristoteles na kung sabihin mo, "Kaligayahan!" ang iisipin ng karamihang tao ay aliw ng laman: o pagkain o inumin o ginhawa ng katawan o seks. Malinaw na lahat nito ay importanteng bahagi sa kaligayahan ng tumatahak sa buhay-lupa. Ngunit, kapag gagawin ng taong ligaya niya, telos niya, ang aliw ng laman, may isang pangyayari na napagmamasdan ng maraming tao. Na upang makamtan niya ang pinili niyang maging ligaya niya, kakailanganin niyang ulit-ulitin iyong nagbibigay-aliw sa kanyang laman, pagkain man o pag-inom (at kasama na rito ang paggamit sa gamot) o seks. Hindi yata mapapatahimik ang pagnanais sa aliw ng laman kung hindi uulit-ulitin. . . at sa wakas nakikita ng tao na hindi pa rin tumatahimik ang kanyang loob kahit na parang walang hanggan na ang kanyang pag-uulit-ulit.

Kung minsan, kahit hindi na masarap, hindi pa rin mahinto ang pag-uulit; "nagkabisyo," ika nga, o "naadik".

Sapagkat ang aliw ng laman ay bahagi ng mas malawak at mas malalim na kabuoan. Ang pagkain at alak ay sangkap ng pagpapalakas sa katawan, ng pakikisama ng tao sa tao, ng pagmumulat sa pagkakaisa ng tao sa tao. Lahat niyan ay maaring paunlarin kung nagsisikainan tayo at nagsisiinuman (ayon sa tamang sukat) ng sama-sama. Sa ating mga pagsasalu-salo, hindi lamang natin mapapalusog ang ating katawan, kundi magigisnan pa natin na bahagi pala tayo ng isa't isa. At mapapatubo pa natin ang ating pagkakaisa. Sa loob ng ganitong kabuoan, ang pagkain at inumin ay napakasarap nga.

Hawig diyan ang nakikita sa seks. Sa konteksto ng pag-iibigan, katapatan ng tao sa tao, masipag ng paglikha sa bagong kapwa tao, pagtatag sa isang "bagong sibilisasyon" sa daigdig ng ina, ama, anak. . .ang pagtatalik na sekswal ay nagiging matinding sangkap ng sukdulang ligaya.

Ngunit, kung tinanggal natin sa kabuoan ang pagkain, inumin o/at seks, upang italaga dito ang buong kaligayahan, ang buong buhay ay iikot sa pag-uulit-ulit sa damdam-kiliti. Hindi mahirap makita na ang magaganap ay pagwawasak sa mismong istruktura ng pagmemeron ng tao. Samakatwid, hindi natin masasabi na pag-ikot sa aliw ng laman ang katutubong pagtelos ng tao.

At dito tayo matatauhan ukol sa madalas punahin ng mga nakakaalam: Kapag aliw ang hinahanap mo, hindi mo matutuklasan; kapag pinagsisikapan mong buoin ang nararapat, halos hindi mo mapapansin na kusang dumarating ang aliw.

Kwarta at ari-arian.  Maari namang ituring ng isang tao na ang pag-ipon ng kwarta at mga ari-arian ang siyang makapagbibigay-ligaya sa kanya.

Kapag wasto ang pagsisirkulasyon sa kwarta, ang kwarta ay isang tunay na sagisag ng trabaho. Batay sa pagtatrabaho ng tao ang kwartang nararapat sa kanya; kaya't kapag nasa kanya na ang kwartang katumbas ng kanyang mga pagtatrabaho, ang paggasta sa kwarta ay tuluyang pag-ani sa karagdagang bunga ng kanyang trabaho.

Sinasagisag ng kwarta ang mga natrabaho ng tao. Mabisa ang pagsasagisag na ito. Sa bisang ito, madarama ng isang tao na trabaho niya ang nakapagkakamit sa pagkain, kagamitan, tahanan at iba pang mga kailangan ng kanyang pamilya.

Maari rin mangyari na, sa pamamag-itan ng kwarta, ang tao'y nakapagtatatag ng bagong proyekto na mapagtatrabahohan ng maraming ibang tao. Kapag ganito ang nanyayari, ang trabaho ay lumilikha ng bagong trabaho, nakapagbibigay ng kakayahan sa maraming tao na magtrabaho pa at gamitin ang kanilang trabaho sa pagkamit sa kanilang mga kailangan sa buhay.

Kaya't nakikita natin na ang tunay na halaga at kahulugan ng kwarta ay nakasalalay at nakikipagtalaban sa pagiging mapaglikha ng taong nagtatrabaho. Ngayon, kapag pinasya ng tao na kwarta ang kanyang ligaya, paiikutin niya ang kanyang buong buhay sa lubusang-pag-ipon ng kwarta. Para sa kanya, ang kwarta'y basta't iniipon sapagkat kwarta. Nag-iipon siya ng sagisag at wala siyang pakialam sa sinasagisag. Hinihiwalay niya ng kwarta sa tunay na halaga at kahulugan nito. Mga sagisag ng pagiging mapaglikha ang iniipon niya, habang walang halaga sa kanya ang pagiging mapaglikha.

Hawig diyan ang makikita sa mga ari-arian. Ang mga pag-aari ay bunga at sanhi ng pagtatrabaho. Kaya't ang mga ari-arian ay may tunay na halaga at kahulugan ayon lamang sa relasyon ng mga ari-arian sa taong lumilikha, nagtatrabaho. Ngayon, ang taong basta't nag-iipon ng mga ari-arian upang basta't umapaw sa pag-aari, ay walang paggalang sa relasyon na ito; gumaganap siya ng isang pag-wasak sa kahulugan. Ang pag-ipon ng mga ari-arian na walang pagtanaw sa pagiging mapaglikha ng taong nagtatrabaho ay isang paghiwalay sa tunay na halaga at kahulugan ng mga ari-arian. Ginagawang baog ang sanhi sana ng paglikha.

Kaya't kung mismong kwarta at ari-arian ang itinuturing kong ligaya, winawasak ko ang mismong intruktura ng halaga at kahulugan. At sapagkat sukdulan ng meron ang halaga at kahulugan, mismong istruktura ng meron at mismong meron ang winawasak ko. Samakatwid, ang nagiging base ng aking l igaya ay isang hindi-meron, hindi-totoo, isang kasinungalingan. Anomang ligayang nakamit habang nakabatay sa ganyang base ay huwad na ligaya; hindi ligaya; hindi telos.

Puri ng tao.  Maari namang isalalay ang ligaya sa puri ng tao. Upang isipin at sabihin ng karamihan na ako ay tanyag o dakila o mabuti: iyan ang layunin ng buhay. Sa halip ng aliw ng laman o kayamanang materyal, ang iipunin ko ngayon ay mga pagtanyag sa aking sarili.

Pagmasdan nating sandali ang puri. Pinupuri ako kung may nagsasabi sa akin na ako ay. . .ano? Iba-iba ayon sa pagnanais ng iba't ibang tao. Ngunit, marahil ituturing ng isang taong may kaunting isip man lamang na totoo siyang pinuri (1) kung may nagtawag ng pansin sa isang kabutihang talagang ginawa niya at tinanyag siya dahil dito, at (2) kung ang nagsalita ay taimtim at tapat sa kanyang pagsasabi, at hindi lamang, ika nga, namimingwit.

Ngunit, maaring mangyari na malimutan ng isang tao kung ano ang tunay na puri. Maaring basta't malugod siya kung ang sinasabi ng karamihan ukol sa kanya ay may anyong mabuti. Inaakala niya na sapat na ito upang lumigaya siya. Hindi na niya kikilatisin pa kung ang pinuri na ginawa niya na nag-aanyong mabuti ay mabuti nga talaga at kung ang nagsasalita ay taimtin na nagsasalita. Kaya pagsisikapan niya na palaging may anyong mabuti ang sasabihin sa kanya, ukol sa kanya; kaya't pangangatawanan niyang mag-anyo ng ayon sa nakakalugod sa karamihan, upang maging laganap ang kanilang pagtatanyag sa kanya. Ang buhay niya ay magiging isang matiyagang pamimingwit sa puri. Pag-aaralan niyang masusi ang arte ng paggawa ng anyong kaaya-aya sa marami at, kung kwartahin siya, handa siyang magbayad sa mga eksperto sa paglikha ng anyo, mga propesyonal na uso ngayong tawaging image builder. Ganyan ang pamumuhay ng taong hinahanap ang telos na ligaya sa puri ng tao.

Ang ganyang istilo ng pamumuhay ay gutom sa puri at ni hindi na magtataka kung ano kaya ang talagang kapuri-puri. Ngunit, sabihin natin na may ibang tao na nagtataka kung ano ang talagang kapuri-puri. Baka matuklasan niya na ang tunay na kapuri-puri ay tunay na pagpapakato. Marahil hindi niya malalaman ang lahat, ni hindi siya magpapanggap na nalalaman na niya ang lahat. Ngunit, malalaman niya ng sapat, at ituturing niyang mabigat at maligayang pananagutan, na ang pagpapakatao ay paglingkod sa kapwa, sa Maykapal. At sapagkat ito ang tunay na kapuri-puri, pagsisikapan niya na ang kanyang buhay ay maging isang walang sawang paghahanap at pagkikilatis, upang sa mga pangyayari'y magawa niya ang nararapat gawin ng tao.

At dito, magtataka siya. Sapagkat makikita niya na ang tunay na kapuri-puri ay: gawin ang nararapat gawin. Matutuklasan niya na wala na siyang panahon na pansinin pa kung punupuri nga siya o hindi, ni wala na siyang panahong naisin ang puri. Makararanas nga siya ng mga galaw ng kalooban na naghahanap ng puri, ngunit, malaon o maaga'y lilinaw sa kanya na ang mga galaw na ganito'y pag-aksaya ng panahon. Kung magkataon na meron ngang magpuri sa kanya sa isang puring tunay at taimtim, liligaya nga siya at magpapasalamat.. . ngunit, takot niyang lilisanin kaagad, sapagkat natauhan na siya na ang malabis na pagpansin sa puri ay pagwasak sa pagtupad sa totoong nararapat. Hindi iniintindi ng tunay kung may puri siya o wala.

Sa palagay ko, tumitingkad na ngayon na kapag hinanap ng tao ang telos na kaligayahan sa puri ng tao, kahungkagan ang kanyang madaratnan. Sapagkat ang puri ay tunay lamang kapag hindi hinahanap. Kapag hinanap ay nagiging huwad. Hindi ganito ang katutubong hantungan, katuparan, kabuoan ng tao.

UGAT NA KILUS, UGAT NA PAG-ASAM

Hangga ngayon, medyo ganito ang naging paghahanap natin:

Pansin natin na may katutubong pagnanais ang tao: ang pagnanais lumigaya. Napapansin natin na ito ay batayan ng lahat ng mga ibang pagnanais. Ang hinahanap natin ay ligayang buong buo, umaapaw, walang maliw, walang pagkukulang, walang katapusan, tahasan at lubusan. Marami tayong mga ibang pagnanais, ngunit, masasabi natin na lahat ng mga iba ay bahagi ng pagnanais lumigaya, sapagkat ang pagnanais lumigaya ay nakikipagtalaban sa mga pagnanais na ito, gumagalaw sa loob ng mga pagnanais na ito. Kaya't ang bawat isa ay nararanasan bilang isang uri ng pagnanais lumigaya. At kapag may ganitong pagnanais na natupad, nararanasan natin ang katuparan bilang isang uring ligaya. . . hindi pa iyong pinakananais na ligaya, ngunit, parang anino nito.

Sapagkat may isang uring ligaya sa pagtupad sa anomang kilus ng pagnanais, naisipan natin, baka may ugat ng kilus ng pagnanais lumigaya, ugat ng pag-asam, na, kapag natupad, ang makakamit ay hindi na isang uri ng ligaya lamang, kundi ang mismong lubusan at tahasang ligaya, walang maliw, walang pagkukulong, atbp.

Para bagang sinabi natin: Sana hindi ko na kailangang pag-abalahan ang lahat ng aking mga pagnanais. Isang ugat ng kilus ng pagnanais lamang ang gusto ko: katuparan lamang noon ang aking pagtitiyagaan, at tiyak na akin na ang tahasan at lubusang ligaya.

May pagka-natural na akalain natin na ang ugat ng kilus ng pagnanais sa ligaya ay ang pagnanais sa aliw ng laman, o sa kayamanan, o sa puri ng tao. Sapagkat ang bawat isa sa tatlong ito ay parang may kasamang pabulong na pangako: kapag sinundan mo ako, liligaya ka. . . Napakadrama yata ng pagkasabi niyan. . . Ibig ko lamang ipaalala na habang nararamdaman ng isang tao ang matinding paghilig sa aliw ng laman o sa pag-ipon ng kayamanan o sa paghabol sa puri ng tao, meron siyang sabay na nadarama na napakatinding damdamin na umaantabay sa ligaya: at dahil sa damdaming ito ay halus hindi na niya maiwasang isipin na, sa pagsunod sa kahiligang ito, seguradong seguradong liligaya siya sa tahasan at lubusang ligaya.

Ngunit, makita na natin na kahit na mahirap, posible pa rin huminto at mangilatis. At nakayanan nating matuklasan na kapag ginawang ugat ng kilus tao ang alinman sa tatlong ito, pagkawasak at hindi kaligayahan ang hahantungan.

Kaya't ano kaya ang ugat ng kilus na tumutungo sa ligaya? Natauhan tayo na ang ugat na ito ay hindi isa sa nasabing tatlo sapagkat kinilatis natin ang bawat isa. Ginamit natin ang isang galaw ng ating katauhan na kayang kilatisin ang mga galaw ng ating katauhan. Kinilatis sa pamamag-itan ng pagsuri, pagtimbang. . . at habang sinusuri at tinitimbang, hinahanap kung ano ba ang talagang totoo ukol rito. Ang talagang totoo ay na pagwawasak ang ginaganap noong tatlong kaaya-ayang naturang kahiligan.

Madalas nating mapapansin na, sa gitna ng mapupusok at magugulo at halu-halong galaw ng ating mga hilig at damdamin, meron tayong kakayahang iutos sa ating sarili: Antay muna, hinto. . .titingnan ko, kikilatisin ko kung ano ang totoo rito.

Sapagkat, mas ugat kaysa sa mga ibang kahiligan ang kahiligan sa katotohanan, ang kakayahan at pagnanais sa talagang totoo. Sa masusing pagkilatis natuklasan natin na nakikipagtalaban sa lahat ng mga ibang pagnanais ang ugat na pagnanais sa kaligayahan. Ngayon, natutuklasan natin na nakikipagtalaban sa pagnanais sa kaligayahan ang pagnanais sa talagang totoo, sapagkat ang katutubong pagnanais natin ay para sa tunay na kaligayahan.

Lahat ng bagay ay maaring mag-anyong kaligayahan sa atin: ganoon din, likas na udyok ng ating loob na kilatisin ang bawat bagay na may anyong ligaya, kung totoo ngang ligaya o hindi. Ang bawat paghilig sa may anyong ligaya ay may kasamang udyok ng loob: kilatisin mo kung totoo.

Maari nating tanggihang sumunod sa malalim na mapagkilatis na ugat-hilig sa katotohanan. Maari nating piliin na tuonan lamang ng pansin ang "pabulong na pangako" ng aliw ng laman, kayamanan, puri. . .o kung may iba pang gaya ng mga ito. Ngunit, kapag sinusundan natin ang ating tunay na katauhan, alam natin na sa katotohanan lamang makikita ang tunay na ligaya. At ang pagnanais sa katotohanan ay nasa ugat ng ating katauhan.

Ngunit, hindi natin hinahanap ang katotohanan upang isulat ito at itago sa isang libro. Ang katotohanan ay hinahanap upang maisagawa. Ang naisagawa ayon sa katotohanan ay tinatawag na kabutihan. Ang isinagawa naman laban sa katotohanan ay tinatawag na masama. Ang masama ay maaring mag-anyong ligaya, ngunit, kasamaan pa rin. Ang ayon sa totoo, ang mabuti lamang ang tunay na ligaya.

Kaya't kung hinaharap natin ang anoman, ang totoo ang ating kikilatisin, at sa pagkilatis matutuklasan natin ang mabuting isasagawa natin. Dito, mulat tayo na nasa atin kung pipiliin nating isagawa ang pinakita sa atin ng matinong pagkilatis bilang totoo. Ang pagtanggi sa totoo ay alam natin na masama at pagwasak sa sarili. Ang pagpasya ayon sa totoo ay pagpili sa mabuti, pagkilus sa panig ng totoo, na panig rin ng tunay na ligaya.

Kaya't kung ang hilig ng ating kaalaman ay sa totoo, ang tunay na hilig (na maaring tanggihan, sapagkat malaya tayo-- ngunit pagwasak ang pagtanggi) ng ating pagpipili ay ang mabuti. Kaya't nakikita natin na katutubo sa ating isip na humilig sa katotohanan, hanapin at naisin at galangin ang totoo. At sa

paghabol sa totoo natutuklasan din natin ang mabuti. At likas sa ating kalooban na hanapin, naisin, isagawa, at kumapit sa mabuti.

 

Natuklasan natin na ang ugat na kilus natin ay kilus ng isip at kilus ng kalooban, at ang ugat na inaasam ng isip ay katotohanan at ang ugat na inaasam ng kalooban ay kabutihan. Hindi magkahiwalay ang totoo at mabuti. Ang nauunawaan bilang totoo ay iniibig bilang mabuti. At nasa ating pag-asam sa totoo at sa mabuti ang mga katangian ng ating pagnanais sa kaligayan. Ang totoo at mabuti na hinahanap natin ay buong buo, umaapaw, walang maliw, walang pagkukulang, walang katapusan, tahasan at lubusan. Sa palagay ko, malinaw na ang ating pag-asam sa totoo at sa mabuti ay iyong iyon din sa ating pagnanais sa kaligayahan.

Anomang inaakalang kaligayahan, kapag natuklasang hindi totoo o masama ay mahahalatang hindi tunay, huwad, nagpapaggap na kaligayahan. Ang totoo at mabuti naman ay palaging kaligayahan, ngunit, maaring madama at maranasan ng tao bilang mahirap o masakit, kapag hindi pa buo ang kanyang pagkatao. Maaring akalain nating huwad ang tunay. Ngunit, kapag nabuo na ang ating katauhan, madarama natin ang totoo at mabuti bilang ubod ng ligaya. Hindi pagtutuonan ng pagnanais ang ligaya. Ang hahanapin ay ang totoo at mabuti. At kapag nakamtan, bukal sa taong lumigaya.

Kaya't masasabi natin na ang ligayang hinahanap natin ay na mabuhay tayo ng walang katapusan sa katotohanang tahasan at lubusan at sa kabutihang lubusan at tahasan.

Ngunit, tayo'y mga nilalang na personal. Hindi tayo liligaya sa pagka-alam sa abstraktong katotohanan, ubod man ito ng kadakilaan; ni sa pag-ibig sa abstraktong kabutihan, walang b ahid man ito ng pagkukulang. Ang hinahanap natin ay hindi kaalaman, kundi pakikipag-alaman; hindi pag-uunawa. Kundi pag-ibig sa mabuti, pakikipag-ibigan, pakikipag-kaibigan.

Kaya't ang pagsisikap sa totoo at mabuti'y hindi makagagalaw kundi sa abot tanaw ng pakikipagkapwatao.

Sa pakikipagkapwa, natatauhan ako na ako'y bukod tangi, akong ako, na walang kagaya ko, kaya't nag-iisa ako. At dahil dito, natatauhan din ako na ang aking kapwa ay bukod tangi, siyang siya, na walang kagaya niya, kaya't siya'y nag-iisa.

At sa pakikipagkapwa natatauhan din ang bawat tao na sa kanyang pagka-nag-iisa'y hindi siya nag-iisa. Ako'y bahagi mo at ikaw bahagi ko. Nagtatalaban ang pagka-nag-iisa at ang pagka-bahagi-ng-isa't-isa.

Kaya't tumutubo tayo sa isang mas matinding pag-uunawaan at pag-iibigan kapag ginagalang kita sapagkat ikaw ay taong kagaya ko at ginagalang din kita sapagkat ikaw ay taong hindi kagaya ko. . .at ang nakikipagtalaban na sagot dito ay na ginagalang mo ako sapagkat ako'y taong kagaya mo at ginagalang mo ako sapagkat ako ay taong hindi kagaya mo.

Kaya't ito'y simula ng pag-uunawa na pinagbabatayan ng etika: na likas, katutubo, bukal sa bawat tao at sa lahat ng tao na sama-samang hinahanap ang totoo at mabuti at nararapat na isinasagawa natin ang ayon sa nahanapan na, habang tayo'y naghahanap pa.

 


BACK TO ETHICS MAIN PAGE

 

Karapatang Ari © 1998
J. S. Eliab
Walang bahagi ng mga nakasulat dito ang maaring gamitin ninuman

sa anumang anyo at hugis na walang nakasulat na pahintulot
ang tagalathala maliban sa ilang pagsiping
gamitin sa pagtatasa ng
mga gawain at paksang nakasaad dito.