Diabetic Foot
Ang diabetes ay isang sakit kung saan mayroong problema sa paggamit ng asukal sa katawan. Dahil dito, patuloy na mataas and lebel ng asukal sa dugo kung kaya’t maraming komplikayson and kaakibat nito. Maliban sa pakabulag, isa sa mas-kinatatakutang komplikasyonh ng diabetes ay ang pagkaputol ng paa dahil sa pagkabulok ng mga ito. Dalawang problema ng isang taong may diabetes ay ang tintatawag na poor circulation at ang nerve damage. Ang mga taong may diabetes ay nagkakaroon ng “peripheral vascular disease” kung saan nagkakaroon ng bara ang mga ugat sa mga binti at paa. Dahil dito, nahihirapang mapunta ang dugo sa mga lugar na ito. Humihina o nawawalan ng sirkulasyon sa mga binti at paa kung kaya’t mabilis itong nabubulok. Ikalawang problema ay ang nerve damage kung kaya’t nawawalan ng pakiramdam ang mga paa. Dahil dito, hindi nararamdaman ng taong may diabetes and sugat sa kanilang mga paa kung kaya ito ay madalas napapabayaan. Ang mga maliliit na sugat ay madalas lumalala hanggang ito ay humantong sa pagkabulok ng paa na tinatawag na “gangrene.” Sa ganitong sitwasyon, “amputation” o pagkaputol ng paa ang madalas na kinahahantungan.
Upang maiwasan ang mga komplikasyon ng diabetes,
kinakailangang maisaayos ang patuloy na mataas na lebel ng asukal sa katawan.
Ang madalas na pagbisita sa doktor at pag-inom ng tamang gamot ang kasagutan
dito. Ang pag-iwas sa diabetic foot ay hindi imposible kung ang mga taong may
diabetes ay pag-iingatan ang kanilang mga paa. Sa kabuuan, may limang (5)
alituntunin upang makaiwas dito. Una, iwasang magkasugat sa paa. Kinakailangang
magsuot ng sapatos na malambot at tama lamang sa sukat ng paa. Ikalawa, huwag
manigarilyo. Ang usok ng sigarilyo ay sumisira sa mga ugat na nagpapalala ng
peripheral vascular disease. Ikatlo, huwag hintaying lumala ang sugat bago
kumonsulta sa doctor. Ikaapat, araw-araw suriin ang paa, at maging alerto sa
kahit anong sugat, pangingitim, matinding pangangapal ng kalyo, atbp. Ikalima,
panatiliing malinis ang dalawang paa.
Ang pagkabulok ng paa ng mga taong may diabetes ay isang
kinatatakutang komplikasyon. Ngunit, kung may kaukulang kaalaman at pag-iingat,
maaaring hindi humantong sa ganito. Para sa karagdagang impormasyon, o kung kayo
ay may ganitong mga problema, maaaring kumonsulta sa Ospital ng Maynila Medical
Center, Out-Patient Department-Surgery, Lunes hanggang Biyernes, 8:00-11:00 ng
umaga.