KABABAIHAN, KUMILOS!
KABUHAYAN AT KARAPATAN, IPAGLABAN!
8 Marso 1999

Makakabangon na daw ang ating ekonomiya ngayong 1999! Pinagmamalaki ng rehimeng Estrada and 0.8% ng GNP ang 9.7% na implasyon at ang $11B na dollar reserves. Nararamdaman ba natin ang mga istatiskang ito sa pang-araw-araw na buhay natin?

KRISIS! Ito ang katotohanang nararanasan nating lahat. Ito ang araw-araw na pinapasan ng kababaihang Pilipino. Para sa pamilya na may 6 na katao, ang kakailanganin ay P441 (Metro Manila). Ngunit nananatiling P198 pa rin ang minimum na sahod. Hindi na nga ito nakakasapat ay binabalak pang ibasura!

Samantalang palagian at tuloy-tuloy ang pagtaas ng mga bilihin (lalo na ang pagkain!). "Di magkamayaw ang kababaihang anakpawos kung saan hahagilapin lalo ang pambayad sa ilaw, kuryente, tubig at renta as bahay. Minsa'y kasing laki lang ng aparador ang inuupahang bahay, idedemolis pa. Ang saklap talaga!

Lagi na lang si El Nino at La Nina ang sinisisi sa mababang produksyon sa agrikultura. Ngunit mas malaking pinsala ang dulot ng mga patakaran na ipinapagpatuloy ni Presidente Estrada at palalalain pa ito. Halos langit at lupa na ang ibigay ng pamahalaang Estrada sa mga malalaking dayuhang korporasyon. Bukod sa hinaharaang gawing subdibisyon, golf courses, industrial site ang lupang taniman (na ngayo'y umaabot na sa mahigit 200,000 na ektarya) balak pa ng pamahalaang buong-buong mag-ari ng lupa ang mga dayuhan. Maging mga bulubundukin at yamang mineral ay hinahayaan ding lustayin sa pamamagitan ng Mining Act. Dulot nito'y kawalan lalo ng lupa para sa mga magsasakang Pilipino at kasalatan sa pagkain sa lahat ng mamamayan. Saan pa ba lulugar dito ang kababaihang magbubukid sa ganitong sitwasyon?

Ang ating mga "industriya" ay naghihingalo pa rin. Sa hagupit ng krisis, tuluyang humina at nagsisara ang maraming empresa at pagawaan. Umabot na sa 217,000 ang bilang ng amga manggagawang nawalan ng kabuhayan noong nakaraang taon. Tiyak na madadagdagan pa ito sa pagtatapos ng mga estudyante ngayong buwan. Kaya naman walang habas na pinapalitan ng mga kapitalista ang mga regular nitong manggagawa ng mga kontraktuwal upang maigpawan nila ang krisis at matiyak ang paglaki ng kanilang tubo. Lalong kumikitid ang pagkakataon para sa kababaihang manggagawa para sa nakabubuhay na trabaho. Timitindi na rin ang diskriminasyon sa pagtanggap ng kababaihang manggagawa sa pagititiyak na sila ay dalaga at hindi magbubuntis.

'Di na nga makapagbigay ng lupa at makabubuhay na trabaho, wala pang pakinabang ang gubyerno sa paglalaan ng panlipunang serbisyo. Kaya't kung magkasakit dahil sa gutaom ang mga anak, nagkakasya na lang sa "patapal-tapal" ang mga nanay. Paano rin aasang makakaahon sa hirap sa paktatapos ng mga anak kung abot langit ang pagpapaaral hahil sa komersyalisasyon ng edukasyon?

Bangkarote na ang mga ahensya ng gobyerno, ninanakawan pa ito ng pondo ng mga pulitikong kurakot. Samantalang ang mga guro'y 'di man lamang makuha ang kanilang amelioration pay. At sa halip na tugunan ni Presidente Estrada ang panawagan ng mga guro, buong kagaspangan ang ugaling sinabihang matitigas daw ang ulo ng mga ito.

Ang inaatupag ng rehimeng ito ang pagbebenta ng mga natitirang pag-aari ng gobyerno. Pati sa hanay ng mga kawani ng gobyerno ay may tanggalan na dahil sa pribatisasyon. Sa patuloy na pagyakap ng rehimeng Estrada sa mga patakaran ng imperyalistang globalisasyon na liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon, tiyak walang maaasahang pagbangon mula sa krisis ang kababaihang Pilipino.

Sa paigting ng pang-ekonomiyang krisis, tayong mga kababaihan ay mas nalalagay sa peligro ng pagsasamantala at pang-aabuso. Dumarami ang kababaihang natutulak sa prostitusyon at nahuhulog sa bitag ng sex trafficking. At dahil sa nabubulog ang ating lipunan, lalong lumalaganap ang krimen lalo na ang panggagahasa ng kababaihan at bata. Samantalang tinatayang sangkatlo (1/3) ng mga bata ay makakaranas ng sekswal na pang-aabuso bago sila magdisi-otso. Sa nakalipas na taon, umabot sa 3,031 ang naitalang mga kaso ng panggagahasa.

"I only want to protect the women and children." Ito ang pagmamayabang ni Presidente Estrada sabay pakitang-gilas sa pagbitay ni Echegaray para linlangin tayo na ang rehimen ay laban sa panggagahasa. Samantalang kahit naas piitan sina Jalosjos at Sanchez, nagbubuhay hari ang mga ito sa halip na parusahan. Pikit-mata na rin ang rehimen sa mga pandarahas na ginagawa ng militar lalo na sa kanayunan kung saan nalalantad ang kababaihan at bata sa dislokasyon, gutom, sekswal na pang-aabuso ng militar at kamatayan.

Higit na pinalala pa ang miltarisasyon sa kanayunan lalo na sa Mindanao. Hindi lamang ito nagsisilbing pangsawata sa paglaban ng mamamayang Moro kundi ginagamit din upang bigyang katwiran ang Visiting Forces Agreement (VFA). Dito rin nagsisilbi ang "multo" ng pag-atake ng bansang Tsina na ipinanakot sa mamamayan. Ngunit, hindi ito naging hadlang sa matinding pagtutol at pagkilos ng mamamayan laban sa VFA. Mariin nating itong tinututulan sapagkat tinitiyak nating dahil sa VFA ay mas lalawak ang prostitusyon at karahasan sa kababaihan. Bilang reaksyon ng rehimen, pandarahas ala-martial law ang naka-amba ngayon.

'Di pa nakuntento na binalik sa poder at pinawalang-sala ang mga Marcos at crony nito, binubuhay rin ng rehimeng Estrada ang alaala ng diktaduryang Marcos. Ibinabalik nito ang mga sangkap ng martial law tulad ng warrantless arrests, national ID system, curfew, statement of assets and liabilities (SAL) at censorship sa pamamahayag. Nilalabag ng lahat ng ito ang mga batayang karapatang pantao nating mamamayan. Hindi rin nakapagtatakang binalewala ni Presidente Estrada ang Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) matapos lagdaan ito. Lalo lamang naging mailap ang pagkakaroon ng kapayapaan ngayon pormal nitong sinuspindi ang negosasyong pangkapayapaan sa National Democratic Front (NDF).

Sa unang Marso 8 sa ilalim ng rehimeng Estrada, naghihikahos pa rin ang kalagayan ng mga kababaihan pati na ang sambayanan. Ang pa-machong pananalita ni Presidente Estrada ay sadyang hindi nakakasapat upang pagaanin ang ating sitwasyon. Kaya ang sagot natin sa krisis ay sama-sama at militanteng pagkilos! Isang organisadong pagkilos ng ating hanay kasabay ng mamamayang Pilipino. Dito natin tiyak ang ating kinabukasan. Babangon lamang ang ating ekonomiya kung ang mga magsasaka ay may sarili ng lupa at nailalatag na ang pambansang industriyalisasyon sa buong bansa.

Sa ilalim ng militanteng tradisyon ng Marso 8, muli nating tahakin ang landas na pakikibaka. Kaya, mga kababaihan, kumilos! Ipaglaban ang ating kabuhayan at karapatan!

REHIMENG US-ESTRADA PAHIRAP SA KABABAIHAN!
LUPA, PABAHAY, TRABAHO, KARAPATAN NG KABABAIHAN, IPAGLABAN!
PRESYO NG BILIHIN, IBABA!
BAYAD SA ILAW, TUBIG, TELEPONO, IBABA!
WAKASAN ANG KARAHASAN SA KABABAIHAN!
VFA - SALOT SA KABABAIHAN! VFA - IBASURA!
KABABAIHAN, MAKIBAKA UPANG MABUHAY!
Sumama sa pandaigdigang araw ng kababaihan
Marso 8, 1999, 12 n.t. - 4 n.h. Plaza Miranda tungong Mendiola
GABRIELA
Kilusang ng Manggagawang Kababaihan (KMK)
Amihan
SAMAKANA
Gabriela Youth

 

../Library/PREVIOUS
PREVIOUS